ALLAN POPA:  PROFILE  

Among the growing young writers' circle of U.P Diliman, Alan Popa stands out as one of the more familiar names, and definitely one of the young writers to watch out for. Below, he explains to us  what brought him to write his entry "Barang". In it we also find Alan's passion and grasp of his craft.  

     Isa sa mga lumang tula ko ang Barang na kabilang sa lupon ng mga tulang naglayong magpakita ng kakaibang emosyonal na kalagayan sa metapora ng mga peste sa bahay. Sa kasong ito, ang mga langgam. 

     Malaki ang pagkakautang ng tulang ito sa kabatiran sa tulang "Arrival of the Bee Box" lalo na ang kabalintunaan sa huling saknong) ni sylvia Plath, na siyang makatang binabasa ko noong panahon ng pagkasulat ng tulang ito. 

     May pagtutugma ang mga dulong pantig ng mga linya sa bawat saknong na nilayon kong mag-ambag sa komiko bagamat lirikal na himig ng tula at sa paksang inilalarawan: ang pag-ibig na pinagkait. 

     Naging paborito kong itula ang ang mga nebiyosong persona na nasa patetikong sitwasyon na dulot na rin ng pagbabasa ko ng mga dula ni Tennessee Williams at mga nobla/kuwento ni Carson McCullers, ganoon din sa pakikinig sa mga awitin ni Suzanne Vega. 

     Masasabi kong malaki na ang pinagbago ng mga tula ko sa kasalukuyan kung pag-uusapan ang estilo ng paglalahad at lapit sa paksa ngunit may iisang esensyal na katotohanan pa rin itong pilit na binibigyang anyo, bagamat nanatiling mailap at misteryoso. 

 

"BARANG"
 
Pinakawalan niya ang pulutong  
kasabay ng kanyang pagtalikod  
sa hiniwa kong pagkahinog.  

Tila sugat ako sa aking kahubdan  
na dilaw-pulang kumikislap,  
bumabalong ang iniwang katas.  

Sa dilim, tahimik na gumapang  
ang nangangalit na mga pangil,  
tinutunton ang tamis sa hangin.  

Nang magsimulang mamugad  
ang mga alaga niyang langgam,  
namantal ang buo kong katawan.  

Makiliti ang kanilang parada,  
pero mahapdi ang baon ng kagat  
na bumubungkal sa aking balat.  

Di nakakamot at di natitiris  
itong di makitang pangkukulam  
na gumuguwang sa aking laman.  

Sumuko maging mga albularyo.  
Walang tapal na makapaghilom  
o makapagpagaling na orasyon.  

Marahil siya ang tanging lunas  
na magpapaamo sa mga hantik  
na siya rin ang nagpapabagsik.  

Nagugunaw akong tila buhangin.  
Naghihintay sa kanyang pagbalik.  
May matira pa sana akong tamis. 
  
 
MAIN
NEXT